Violet lippie. Check. Black nails. Check. Accesories. Check. Colorful abaya. Check. Kilay. Super check!
Isa na naman sa mga kaabang-abang na araw sa buhay ni Aleksandria. Isa siyang kilalang manghuhula at may sariling shop sa kahabaan ng mga tindahan sa Quiapo. Bata pa lamang ay sinanay na siya ng kanyang lola ng mga sari-saring orasyon na inaral niya lamang ng bahagya. Sa tuwina ay kasa-kasama siya ng kanyang lola sa panghihilot sa mga buntis noon sa kanilang baryo. At ultimo ang pagpapaanak ay di sinasadyang natutunan din niya.
Para sa kanya ay nakakabagot ang mag-memorize ng mga linyang hindi naman niya maintindihan ng lubos. Nakasulat pa sa ibang lengguahe na nakakapandugo ng kanyang utak. Ngunit sa araw ng paghihingalo ng kanyang lola ay nagbilin ito na kailangan niyang ipagpatuloy ang naumpisahan na nitong propesyon.
Labag man sa kalooban ay ipinagpaliban niya muna ang pagpo-focus sa pagiging isang Physical Therapist, at pinili niyang sundin ang nais nito dahil sa labis na takot na baka dalawin siya nito hanggang sa kanyang pagtulog. Magmula noon ay sineryoso na niya ang panghuhula kahit pa nga puchupuchu lang naman ang lahat ng sinasabi niya sa kanyang mga nagiging parokyano.
Mabilis na tinakpan niya ang kanyang mukha maliban sa kanyang mata nang marinig na ang pagtunog ng wind chimes. Iyon ang hudyat kapag may client ng dumating. Inayos niya pa ng bahagya ang suot bago hinintay na tuluyang makalapit sa pwesto niya ang kliyente.
Biyernes ng araw na iyon at batid ng dalaga na madami ang magpapahula sa kanya. Naniniwala kasi ang karamihan lalo na ang matatanda na malakas ang powers ng kalawakan kapag araw ng Martes, Huwebes at Biyernes. Mabilis na naupo siya sa kanyag thinking chair na pamana pa ng kanyang lola. Ipina-restore niya lang iyon at ginawang mas moderno ang design. Madramang binalasa niya ang tarot cards bago nagsalita.
"Avisala," bungad niya direkta ang tingin sa bagong dating.
Isang matandang panot ang nakatayo sa kanyang harapan. Sinipat niya pa ito at halatang nakaririwasa ang huli sa buhay. Ultimo wristwatch nito ay nagsusumigaw na hello, branded ako! Nangingintab ang noo nito hanggang bumbunan dahil sa umabot na yata sa Cubao ang hairline niyon.
"Good day, miss," bati ng matanda sa kanya.
"Sitting down, mister," anyaya ni Aleksandria sa kanyang unang kliyente sa araw na iyon.
Akala siguro nito ay magpapakabog siya sa Inglesan! May sariling version kaya siya. Kita niya na ngumisi ng bahagya ang matanda nang marinig ang sinabi niya. Tila ba iniinsulto ang kanyang kakayahan. Likas sa kanya ang mali-maling Ingles at nasanay na rin ang mga suki niya sa panghuhula pero hindi nga pala ang panot na ito.
Kino-construct pa lang niya ang salita sa kanyang isipan ay nauna na iyong lumabas sa kanyang bibig. Madalas tuloy ay mali ang kanyang nasasabi. Hindi rin niya maintindihan kung bakit lagi na ay excited ang dila niya sa pagsasalita.
Ano bang problema ng hukluban na ito kung mali-mali ang Ingles ko? I-razor ko kaya ang natitirang buhok nito? Kuu, ewan ko lang!
Mukhang nakuha naman ng matanda ang sinabi niya kaya mabilis na umupo na ito sa gray mini sofa na siya mismo ang personal na gumawa ng disenyo. Binalasa niya pa muli ang cards, sinalansan ng maayos at maingat na inilapag muli sa mesa.
"Guru, may ikokonsulta po ako sa inyo," panimula ng panot kanyang harapan.
Tumingin siya ng seryoso sa huli bago muling nagsalita. "Alam ko kung ano ang ikokonsulta mo," gagad niya.
"Talaga ba? Hulaan mo nga kung anong ikokonsulta ko?" hamon nito.
Tinitigan siya ng maigi ni Aleksandria. Lihim na pinigil niya ang mapatawa dahil sa kalokohang naiisip. Nakatutok kasi ang halogen lights na naroon sa mismong noo nito kaya lalo ng kumintab ang parteng iyon. Tumikhim siya ng malakas at dumiretso ng upo.
"Gusto mong malaman kung saan ka makakahanap ng mapapangasawa diba?"
Napapikit siya ng bahagya dahil baka magkamali siya ng hula. Hindi niya alam pero may mga pagkakataon talaga na tumpak ang kanyang mga hula kahit sa mata lamang ng mga ito siya nakatingin. Wala naman siyang special powers sa kanyang pagkakaalam.
Namimilog ang mga mata ng kanyang kaharap at kabubuka pa lamang ng kanyang bibig ay bigla naman nahulog ang suot nitong posh (pustiso).
Pambihira! hindi lang pala makalaglag panga ang ganda ko, ah. Makalaglag pustiso din!
Pinaglapat ni Dria ang mga labi para mapigilan ang mapabunghalit ng tawa. "Pakisuot ho muna ang posh niyo bago tayo magpatuloy," mabilis na sabi niya.
Mabilisan din ang pagbalik nito para maisuot ang pustiso. May pambili ng branded na relo pero walang pambili ng polident! Sigaw ng kanyang malditang isipan.
"Ah, guru, baka naman may tisyu ka riyan?" tanong nito na sinabayan ng alanganing ngiti.
Mabilis namang iniabot niya sa ang isang rolyo ng tissue mula sa drawer. Ngayon pa lang ay idadagdag na niya iyon sa babayaran nito.
"Masyadong mataas ang standards mo, Sir. Bababa rin 'pag may time," payo niya sa kaharap.
"Natumbok mo na naman ulit, guru! Ang totoo ang hanap ko ay 'yung malaki ang mga boobs, matambok ang bumper at hayup sa ganda," mahabang litanya nito.
Awtomatikong tumaas ang kilay ni Dria at wala na yatang balak pang bumaba ng marinig ang sinabi nito. Hula niya ay sisenta y dos na ito dahil na rin sa aura niya. Anong pigil niya na hindi ito irapan.
Por dios por santo! kumusta naman? Kikiam na lutang na sa mantika na yata ang hitsura ng toot nito!
"Pornstar po ang hanap niyo, ganon?" sabi niya muli gamit ang mala-propesyonal na tono. Gusto niyang palakpakan ang sarili dahil doon.
"Pwede na rin basta mapapaligaya pa ako sa kama," sagot nito na may bahid ng malisya.
Tinamaan naman talaga ng magaling ang isang ito. Di yata't tinitigasan pa ang lolo mo? Ilang viagra kaya ang tinitira nito? Kumikikig pa kaya ito? Magkakasunod na tanong ng kanyang malditang isip.
"Sige, ganito ho ang gagawin niyo. Paki-cut ang baraha sa gitna," malumanay na utos niya. Agad ay sinunod naman nito.
"Sana makita ko na ang itinakda para sa akin. Naniniwala kasi ako sa poreber," nakangisi na sabi ng matanda habang pinagkikiskis ang mga palad.
Pinigilan niya ang mapasabi ng walang forever dahil masisira ang mood ng kanyang kliyente.
"Ano pong sabi ng baraha, guru?" Excited na tanong nito.
Seryoso na itinutok niya ang kanyang bluish eyes sa kaharap para mas convincing ang acting. Bluish ang kanyang mga mata dahil foreigner ang tatay niya na isang Persian. Ngunit sa kasamaang palad ay limang beses lamang niyang nasilayan.
"Ipinahihiwatig ng mga baraha na malapit mo ng makita ang babaeng nakatakda para sa iyo," simula niya at itinihaya pa ang isang baraha. Muling ibinalik ang tingin sa kausap na puno ng antisipasyon ang mga mata.
"Ang tagal naman ng resulta, guru. Gustong gusto ko ng makilala ang bubuo ng pagkatao ko," maligalig na sabi nito.
Lihim na napaismid si Dria.
Wait lang nga, kita mong nag-iisip pa ako, eh. Excited kang notchi ka ha.
"Ang unang babae na mag-aalok ng virginity niya sa iyo ang siyang nakatakda para sa'yo," tugon niya sa kausap.
Tila nag-isip ito matapos marinig ang sinabi niya. Shems, sasablay pa yata ako! Wag naman sana.
Piping hiling niya. Binalasa niya muli ang cards at itinutok ang tingin mga mata ng matanda. Hindi niya rin alam pero sa tuwing titingin siya sa mga mata ng kliyente ay parang mas nakakapag-isip siya ng mabuti. Nagulat pa siya ng biglang hawakan ng panot ang kanyang mga kamay. Nagniningning ang mga mata nito at halatang masaya.
"Salamat, guru. Ngayon ko lang naisip 'yung text ni Minda! ang babaeng matagal ko ng pinapangarap. Baka mamayang gabi ay isusuko na niya sa akin ang bataan kasama na ang corregidor. Salamat ng marami."
Hindi na niya inunawa ang mga sinasabi nito at nanatili na lang na nakatitig dito. Inihulog nito ang one thousand bill sa golden tip box na niya na hindi naman talaga box, dahil isa itong golden takure na may butas sa ibabaw.
"Salamat, guru. Babalitaan kita kapag nag-loving-loving na kami ni Minda," maligayang turan nito bago kumaripas ng exit.
Sumapit ang alas sais ng gabi. Limang minuto lang ang lumipas mula nang umalis ang pampito sa mga naging kliyente ni Dria.
Pagtalikod niya ay saka naman niya narinig muling pagtunog ng wind chimes. Last na ang isang ito at uuwi na rin siya. Nag-meditate pa siya ng bahagya para ikondisyon ang malapit ng matuyo niyang kukote. Ikaw ba naman ang maghapon manghula at literal pa sa salitang literal ang ginagawa. Naku, matitigang ka talaga na parang anyong lupa!
Pumasok ang isang matandang lalaki na sa hinuha niya ay hindi sanay sa ganitong uri ng lugar. Maayos ang pananamit nito, ang buhok ay nasa uso rin ang gupit. Ang poloshirt na suot nito ay may buwayang tatak at malamang pati ang pantalon nito ay mamahalin din. Iyon ang nas kanyang isispan. Bumaba ang tingin niya sa suot nitong sapatos, classic boat shoe iyon na kulay teal. Ibinalik niya ang tingin sa mukha ng matanda at kita niya ang labis na lungkot doon.
"Good evening, hija. Or should I call you guru instead?" Sabi nito ng marahan.
Pati ang tono ng boses nito nang magsalita ay halatang may pinag-aralan. Matandang may class. Agad tuloy siyang nataranta. Mapapalaban pa yata siya sa inglesan. Bigla ay nahiya siya sa kanyang balat.
"You... You call me maybe este hija na lang po ang itawag niyo sa akin. Upo ho kayo," parang engot na tugon niya sa huli.
Nakita niya ang bahagyang pagngiti nito. Hinuha niya pa nga ay chickboy ito noong kabataan niya dahil sa kabila ng katandaan ay makisig pa rin ito. Hindi maipagkakaila ang pagiging magandang lalaki nito. Amoy na amoy din niya ang mamahaling pabango nito na tumatambay sa magkabilang butas ng kanyang ilong. Amoy yamanin at hindi amoy lupa katulad ng ibang thunders na madalas ay nagiging kliyente niya.
"Thank you, hija," sabi nito ng tuluyang maka-upo.
Tiningnan niya ang kaharap at inaarok sa mga mata nito ang nais niyang ipahula. Habang nakatunghay sa kanya ay biglang lumamig ang hangin sa loob ng kanyang shop. Kakaibang uri ng lamig na nagdulot ng kilabot sa kanyang buong katawan.
Nakakapagtaka lamang dahil parang siya lang ang nakakaramdam niyon dahil ang kaharap niya ay pawis na pawis partikular na ang noo nito. Tumikhim siya bago mariing pumikit na.
Concentration. Concentration. Madalas na sabihin ng kanyang lola noon kapag nakakaramdam siya ng pagkabalisa. Humugot siya ng malalim na hininga at muling dumilat. Tahimik lamang ang nasa kanyang harapan at matiim na nakamasid sa kanya.
"Malungkot po kayo," umpisa niya. Isinantabi ang baraha dahil sa palagay niya ay hindi naman iyon magagamit ngayon.
"Yes, hija. I feel so lonely and empty," sagot nito. Mababanaag ang labis na hinagpis sa tono ng boses nito.
Nahihiwagaan si Dria sa matanda. Pakiramdam niya ay may isang bahagi ng pagkatao niya ang nais kumonekta sa kausap. Hinawakan niya ang kamay nito at biglang naramdaman niya ang mas matinding lamig sa paligid. Sa loob ng isang taon ng panghuhula niya ay ngayon lamang niya ito naramdaman.
"Itatanong niyo po sa akin kung nasaan ang perslab niyo?" tanong niya.
Siya mismo sa sarili ay nagulat sa sinabi. Hindi niya alam kung saan yun nanggaling basta bigla na lamang iyon bumukal sa kanyang bibig. Animo sinaniban siya ng espiritu ng isang tunay na fortune teller.
"Yeah. Can you tell me where she is? I really wanted to see her again before I turned into ashes," malungkot na sabi nito.
Bagsak balikat siya sa sinabi nito. Ano ba ang dapat niyang sabihin? Susmio, ngayon lang niya na-encounter ang ganitong eksena. May malalang sakit ba ito at malapit ng umakyat sa heaven? Kinalma niya sarili at nag-isip ng pwedeng sabihin. Sa kailaliman ng kanyang kukote ay nahugot niya ang mga salitang noon lang niya nagamit.
"Hindi ko po makita sa ngayon kung nasaan siya. Pero isa lang po ang alam ko, kapag mahal ka, babalikan ka. Kaya manalig po kayo na babalik ang perslab niyo at magiging happy na po kayo. Happy lang, walang ending," pampalubag loob na sabi niya sabay paskil ng matamis na ngiti.
Hindi niya inaasahan na ngingiti rin ito pabalik. Sa kabila ng mga linya sa kanyang mukha at gitla sa kanyang noo ay nanatili ang kagwapuhang taglay ni Lolo. Sa unang pagkakataon ay naging masaya ang pakiramdam niya pagkatapos manghula kahit pa nga hindi niya nabigyan ng sapat na sagot ang hiling nito.
"Thank you, hija. You made me smile today. It's been a long time since I felt this kind of feeling again... happy and free. You're such an angel," komento nito.
Napaglapat niya na lamang ang mga labi dahil sa sinabi nito. Nakakakonsensiya siya dahil napaniwala niya ito sa walang kwentang sinabi niya. Tumayo na ito, mabilis na binuksan ang dalang leather bag at kinuha mula roon ang isang sobre. Iniabot iyon at nagsalita.
"Here, take this."
Napakurap pa muna siya bago nakuhang magsalita. "Ano po ito?" tanong niya ng nakakunot noo.
"Take it, young lady as my token of appreciation for entertaining me tonight." Sagot naman nito muli. Nakangiti at malamlam na ang mga mata.
"Sige po. Salamat po dito," sabi niya at dahan-dahan na inabot ang sobre.
"I'll go now. My grandson might get mad at me if he knew I am in this ghetto. Believe me, he's not a cool guy," kwento nito, pailing-iling
Tumango na lamang siya at inihatid ito sa may pintuan. Bago pa ito makaisang hakbang palabas ay muling nagsalita ito.
"I'll be back on Tuesday, hija. Make sure your shop is open that day. I will bring some photos of my first love."
"Sige po, I wait you Tuesday po. Ingat po kayo, 'Lo," sagot naman niya. Napakamot siya sa kanyang ulo dahil panay ang ingles nito.
Nakalabas na ito ng tuluyan at isinasara na niya pabalik ang glass door ng muli ay sumulpot ito sa kanyang harapan. Binuksan niya muli ang pinto para kausapin ito.
"May naiwan po kayo, Lolo?" mabilis niyang tanong.
"I have something to tell you, hija," sabi nito na halata ang pagkabalisa.
Hindi niya mapigilan ang pagkunot ng kanyang noo.
"Ano po iyon, Lolo?" tanong niya muli.
"I'm lost. I can't remember my way home," sabi nito.
Literal na laglag panga siya sa sinabi ng matanda.