"Couz, bakit ginora mo pa ditey sa balur 'yang kliyente mo?" Maarteng tanong ng pinsan niyang si Varda.
Nakahalukipkip pa ito at nakataas ang kilay. Isa siyang mahaderang beki na mas babae pa kung umasta kaysa kay Dria. Mangyari ay ipinasya ng dalaga na isama si Lolo Demetrio sa kanilang bahay dahil hindi niya rin naman alam kung saan ko ito ihahatid.
"Saglit lang naman 'yan dito beks. Hindi kasi maalala ni Lolo ang daan pauwi. Kawawa nga eh," sagot niya at bumaling muli kay Lolo Demet.
Nakaupo ito sa mahabang sofa at nagmamasid lamang sa paligid. Kinalabit siya ni Varda kaya naman nabaling ulit ang tingin niya sa bakla.
"Gaga ka, baka mapagbintangan ka na kumidnap d'yan. Baka makasuhan ka pa," bulong nito.
Napataas tuloy ang kilay niya dahil sa sinabi ng kanyang pinsan.
"Kidnap agad? Grabe ka ha! information, infomation nagmagandang-loob lang naman ako 'no!" feeling proud na sagot niya.
Pero nagulat na lamang siya ng humagalpak ng tawa ang baklita. Nakahawak pa sa tiyan habang nakaturo sa kanya. Hinampas tuloy niya ang ilong nito.
"Bakit ka ba tumatawa? Hoy, walang mali sa sinabi ko ha," singhal ng dalaga, nakairap pa.
"Sure ka 'teh? Nakakaloka ka, for your information dapat yun hindi information, information. Naku, Dria, matutuyuan ako ng dugo sayo eh," okray nito.
Inirapan na lamang ito ni Dria at saglit na nag-isip. Natanto niyang mali nga talaga ang kanyang nasabi. Napakagat ang dalaga sa kanyang dila. Dahil sa inis ay iniwanan niya ang huli sa kusina at ipinasya na lamang na puntahan si Lolo Demet sa sala. Naabutan niya na halos makipagpalitan ito ng mukha sa cellphone. Nang makalapit ng husto ay tumikhim siya upang makuha ang atensiyon nito.
"Ah, Lolo sino po bang pwede natin tawagan para masundo na po kayo?" magalang na tanong niya sa matanda. Nadagdagan ang nararamdamang awa ni Dria sa matanda. Halata na kasi ang pagod sa mukha nito.
Iniabot nito sa kanya ang phone at wala sa loob na kinuha naman niya iyon. Sa nipis ng phone ay halos dumulas na iyon sa kanyang kamay kaya naman anong ingat ng kanyang pagkakahawak sa gadget.
"I forgot to bring my reading glasses, hija, that's why I can't see the details clearly," sabi nito. "Ikaw na nga ang dumiskarte d'yan."
"Okay po, sino po ang pwede natin tawagan? Baka nag-aalala na po ang misis niyo dahil hindi pa kayo nakakauwi," nag-aalalang tugon niya.
"My wife is already dead but you can call my grandson instead," sagot naman nito.
Mabilis na ini-on niya ang mamahaling phone at nagsimulang mag-scroll sa contact list.
"Ano po bang pangalan ng apo niyo na naka-save dito?" tanong niya habang patuloy pa rin sa pagso-scroll ng taas, baba.
"Bonito," mabilis na sagot ni Lolo Demet.
Pipindutin na sana niya ang pangalang Bonito sa nang bigla ay may tumatawag. Mabilis na pinindot niya ang answer button dahil ang Bonito na sinabi ni Lolo Demet ang tumatawag.
"Lolo, please stay wherever you are. I'll be there in a few," sabi ng malagong na boses sa kabilang linya.
Napalunok ng malalim ang dalaga bago nagsalita. Aba, boses pa lang laman tiyan na ang nasa kabilang linya. Nahiwagaan tuloy siya kung ano ang hitsura nitong lalaking kausap niya.
"Hello, Bonito..." bungad niya na animo close sila ng kausap.
"Who are you? Why are you using my abuelo's phone?" masungit na tanong nito.
Tumaas ng matindi ang kilay niya dahil sa aroganteng paraan ng pagtatanong nito. Isang malupit na irap ang pinakawalan niya bago nanghahaba ang nguso na minura ang lalaki sa kanyang isipan.
Parang sukang paumbong siguro ang mukha nitong Bonito. Sungit din!
"Ah... eh.. I bring your lolo here my house. He is lost daw," pikit mata niyang sagot sabay lingon sa pinsan si Varda na halata ang pagpipigil ng tawa.
"Try to speak human. Hindi yung pipilitin mong magsalita ng hindi ka komportable. Don't be trying hard, sweety," nakakabanas na sabi ng kausap niya.
Narinig pa niya ang bahagyang pagtawa nito. Humugot muna siya ng malalim na hininga bago rumatsada ng kanyang sasabihin.
"Hoy, antipatikong tipaklong, ako lang naman ang tumulong sa lolo mo. Wala kang utang na loob!" ganting sagot niya dito.
Humalakhak lamang ulit ang lalaki. Pakiramdam niya ay umuusok na ang kanyang ilong dahil sa sobrang inis. Naramdaman na lang niya na hinablot ni Varda ang phone mula sa kanyang kamay. Hindi na siya nagprotesta bagaman nagulat siya sa ginawa nito.
"Ako na lang makikipag-usap dito. Ang init ng ulo mo, 'te!" sabi nito.
Humalukipkip siya habang nakatanghod kay Varda. Busy na ang kanyang pinsan sa pakikipagpalitan ng impormasyon sa antipatikong lalaki.
"Hija," tawag ni Lolo Demet sa kanya.
Nabaling ang tingin niya sa matanda at pinilit na ngumiti. Tumayo ito mula sa kinauupuan pero pinaupo niya lang naman ulit.
"Wag na po kayo magkikilos, 'Lo. Hintayin niyo na lang po 'yung magsusundo sa inyo. Pasensya na po at nasigawan ko ang apo niyo na si Bonito," malumanay na sabi niya kahit pa nga sa kaloob-looban niya ay nagngingitngit siya.
Ngumiti lamang ng bahagya ang matanda at hinawakan ang kanyang kamay.
"Sorry for my grandson's rudeness. He's always like that," hinging paumanhin ng matanda at bahagya pa na napailing.
Nahabag tuloy siya dito dahil masungit pala ang apo nito. Naisip niya pa na baka matandang binata na ang Bonito na iyon. Ibinaling niya ang tingin sa antigong wall clock na pamana pa ng kanyang Lola Carmen. Alas-ocho na pala ng gabi paniguradong parating na ang kanyang Ima galing sa sugalan.
Ang isiping butas na naman ang bulsa ng huli ay lalong nagpa-init ng kanyang ulo. Tambay ito ng sugalan pati na rin saklaan tuwing may lamay ng patay. Napabuntong hininga na lamang siya at pasalampak na naupo sa tabi ni Lolo Demet. Bumaling si Varda sa kanila upang ibalik na ang phone ni matanda. Halata na ang pagod sa mukha nito.
"Lolo, papunta na daw po ang apo niyong si Bonito. 'Yun nga lang ay baka matagalan daw po siya ng kaunti dahil trapik 'pag galing ng New Manila," esplika ng baklita.
"It's alright. Maghihintay na lamang ako," sagot naman ng huli.
Nag-excuse siya sa dalawa para tingnan kung may maihahain ba na pagkain para sa bisita. Tatlong magkakatabing kaldero ang nakahilera sa counter ng lababo. Isa-isa niya iyong sinipat pero wala naman palang laman ang mga iyon.
Pambihira! Sino ba nagpa-uso ng kalokohan na ito? I'm annoyance! Ugh!
Nakadagdag tuloy iyon sa iritasyon niya. Nang bumalik siya sa sala ay masayang nagkukwentuhan si Varda at Lolo Demet. Naisipan niyang lumabas muna para makabili na rin ng makakain. Gutom na rin siya at kanina pa nagwa-warning ang bituka.
"Beks, labas muna ako, ha. Bibili ng pagkain para sa atin. Hindi pa pala nagluto si Ima," busangot na sabi niya.
"O, sige. Mag-iingat ka, minsan pa naman shunga ka," sabi ni Varda.
Tumango siya bilang sagot. "Ikaw na muna bahala kay Lolo. Huwag mo iiwanan at baka makalayas na naman eh, kung saang lupalop pa 'yan makarating," paalala niya sa pinsan.
Pinaikutan pa siya ng mata ng bakla at saka itinaboy na animo isang askal. Isang mabagal na tango ang ibinigay niya sa bisita bago lumabas ng tuluyan mula sa bahay.