Abala ang VV CREATIONS ng araw na iyon. Maraming
customers ang naka line-up na matiyagang naghihintay para matugunan. Naroon siya
dahil nakiusap ang bakla na mag extra muna siya dahil kulang sila sa plantilla.
Biglaan kasi ang pag-absent ng isang tauhan nito na hindi man lang nagpaalam
ahead of time. Out-of-service tuloy ngayon ang kanyang shop, pero naisip din
niya na maliit na pabor lamang ito kumpara sa lahat ng naitulong ng kanyang
pinsan sa kanya. Pinasadahan ng tingin ni Dria ang sexy at kasing puti ng
labanos na si Fujiko. Regular customer na ito ng parlor simula pa lamang ng
maitayo iyon. Bumaba ang tingin niya sa namumutok nitong dibdib na bahagyang
nakalitaw habang nakahawak siya sa kanyang maliit ngunit mabilog na dibdib. Ayaw
man niya ngunit hindi niya maiwasan ang ipagkumpara ang mga iyon. Hindi siya
naiinggit sa umaapaw na mga dibdib ng sinuman ang problema nga lang ay nagtataka
siya kung bakit ganun ang ipinagkaloob sa kanya.
"Nagpipiko siguro ako ng mga
panahon na nagsabog ng biyaya ang sanlibutan para sa mga kadedehan," bulong niya
sa sarili.
"Ouch, you're hurting me," reklamo ng babaeng kasalukuyan niyang
binblow dry ang buhok. Nakalimutan niya ito dahil nga napokus ang atensiyon niya
kay Fujiko.
Napatingin siya sa salamin at mabilis na nag sorry sa babae na
sumimangot lamang sa kanya. Sanay na siya sa mga pagtataray at pag-iinarte ng
iba't-ibang klase ng tao. Eksperto siya pagdating sa proper customer handling.
Masasabi niyang hindi siya magpapahuli sa departamentong iyon.
"Yung totoo?
Marunong ka ba talaga mag blow dry?" nakataas ang kilay na tanong ng babae sa
kanya.
Mabilis siyang tumango at hindi na lang pinatulan ang pagmama-asim ng
babae. Mabuti na lamang at may mahaba siyang pasensya para sa mga katulad nito.
Kalahating oras ang ginugol niya para magawa ang gusto nitong big waves sa
buhok. Nagkandapaso pa nga ang kanyang daliri dahil ilang beses pang
pinapasadahan ang ilang parte bago ito nakuntento sa kanyang gawa.
"Okay na
ma'am. Ready to gora na po kayo," ang sabi niya sa customer na ngayon ay
nakangiti na nakatingin sa salamin sa harap nito.
"Thank you, Dria. I love my
hair and my new look," maligayang sabi ng huli.
"Salamat po. Balik po kayo," sagot ni Dria matapos na bigyan siya ng tip ng paalis na
customer. Mabilis niyang isinuksok iyon sa kanyang bulsa.
Nilapitan niya si
Varda at nagpaalam muna para lumabas mabilis na pumayag naman ito. Hindi niya
alam kung saan siya patungo ngunit ang kanyang mga paa ay dinala siya sa harap
ng Basilica. Ipinasya niyang pumasok sa loob niyon at naupo sa may gitnang
hilera ng mga upuan. Ipinikit niya ang kanyang mga mata at tahimik na nag-alay
ng isang panalangin. Saglit na minuto ang lumipas at natapos na rin siya roon.
Palabas na siya sa malaking pintuan ng simbahan nang may bumunggo sa kanya.
Nawalan siya ng balanse at alam niyang matutumba na siya kaya naman mabilis
niyang naitukod ang kamay sa matigas na bagay. Napaisip siya kung pader ba o
dibdib ng talaga ng tao ang nahawakan niya. Bahagyang pinisat pisat niya iyon.
Mahinang tawa ang narinig niya mula sa kaharap. Itinutok niya ang paningin sa
gray long sleeve shirt na suot ng taong kaharap niya. Mabilis din
niyang inalis ang mga kamay doon dahil pakiramdam niya ay napaso siyang bigla. Nanlalaki ang kanyang
mga mata dahil namukhaan niya ito.
"Ikaw yung antipatikong supervisor sa
hardware di ba?"
Ngumisi ang lalaki at pinakatitigan siya ng maigi. "Im touched.
The kid still remember me," cool na sabi pa nito.
Matapos niyon ay nilampasan
lamang siya nito. Sinundan niya ng tingin ang papalayong bulto nito na huminto
sa dulong bahagi ng mga nakahilerang upuan. Nakita niya na lumuhod ito,
pinagdaop ang mga kamay at yumuko. Palagay niya ay nagdarasal na ang lalaki base
sa nakikita niya. Hindi niya napigilan ang pagsilay ng ngiti sa kanyang mga
labi. Maka-diyos naman pala ang antipatikong tipaklong na ito. Muli pa ay
pinagmasdan niya ang lalaki na nakatalikod sa kanya. Napansin niya ang malapad
na likod nito at hindi niya maintindihan kung bakit parang nakakaramdam siya ng
paghanga sa lalaking kinaiinisan rin naman niya. Naabala ang kanyang
pagpapantasya nang marinig niya ang eskandalosang ringtone ng bulok niyang
cellphone. Hiyang hiya siya sa mga taong nandoon na biglang napalingon kung saan
siya nakatayo. Mabilis niyang dinukot ang phone sa kanyang mahiwagang dibdib.
Nakatodo pa naman ang volume niyon dahil ginagamit niya na pang-alarm sa umaga.
Dalawang text galing kay Varda ang naka rehistro doon. Tuluyan na siyang lumabas
ng Basilica at sinimulang magtipa sa matigas na screen ng kanyang bulok na
phone. Isang mabigat na buntong-hininga pa ang ginawa niya. Ipinasya niyang
lumakad na pabalik sa parlor ng kanyang pinsan. Alas-syete pa lang ng gabi ay
isinasara na nila ni Varda ang VV. May date raw
ito at si Jonel kaya maaga itong nagsara. Niyaya siya ni Varda na sumama sa
kanila dahil gusto daw nito bumawi sa ginawa niyang pagdu-duty para sa araw na
iyon.
"E di chaperone ang peg ko mamaya?" maarteng tanong niya kay Varda pero
hindi masupil ang ngiti sa kanyang labi. Pinaikutan siya ng mata ni Varda at
kinurot ng bahagya ang kanyang tagiliran.
"Ang arte ng baklang 'to. Porque ba
maganda ka ay hindi ka allowed maging chaperone?" tanong nito sa kanya.
Pasimpleng iniipit niya sa likod ng tenga ang ilang hibla ng buhok at pa kyeme
na nginitian ang baklita.
"Yes, I'm fretty and I'm so proud of me," sagot niya
habang pinalalantik ang mahahaba niyang pilikmata.
Ang malakas na tawa ni Varda
ang pumuno sa kanyang tenga. Halos maluha ito na nakatutok ang tingin sa kanya.
"Hay nako, ibang level talaga yang bokabolaryo mo, Dria. Buti na lang talaga
maganda ka e," naiiling na okray nito sa kanya.
Hindi naman siya napipikon sa
tuwing inookray siya ng baklang ito. Nasanay na siya sa mga tirada ng kanyang
pinsan kaya hayun nga at tinawanan na lang niya ang komento nito. "Halika na
nga. Siguruhin mo lang na mabubusog ako sa libre mo, ha."
Ang alam niya ay dalawang buwan
pa lamang na magkarelasyon ang mga ito. Ilang beses nang nagpapalit palit ng
lalaki ang kanyang pinsan at saksi siya sa mga drama series nito sa tuwing
nabibigo ang buhay pag-ibig nito. Sila ni Cream ang madalas na umaalalay dito sa
mga panahong malungkot ito. Inubos niya ang natitirang lugaw sa kanyang mangkok
bago inisa-isang tinusok ang ilang pirasong hiwa ng tokwa sa platito. Iyon ang
napili niyang side dish. Abala naman sa pagpapa-bebe ang bakla at game na game
naman ang jowa nito. Hindi niya maiwasan ang mapailing at sa hindi mabilang na
pagkakataon ay bumuntong-hininga muli. Labis na kaligayahan ang nakikita
niya sa mukha ng kanyang pinsan. At sino ba siya para hadlangan ang maliit na
kagustuhan nitong sumaya? Inabot niya ang baso at sinalinan ng malamig na tubig
bago inilapit sa kanyang bibig. Malakas na dumighay si Dria dahilan para lumingon
si Varda.
"Ano ba couz, kainis ka basta ka na lang nagbu-burp d'yan. Nakakahiya
kaya sa baby ko," nakairap na sambit nito.
Kinusot niya ang kanyang ilong bago
sumagot. "Ang arte mong bakla ka ha. Hindi ko naman tantyado kung kailan ako
didighay. Sorry na agad."
"Baby, sa bahay ka matulog
ngayong gabi, ha," maharot na sabi ni Varda.
"Oo naman bibiko," mabilis na sagot
ni Jonel.
Bibiko? Anong palagay niya sa pinsan ko, kakanin? Nanulis ang nguso ni Dria. Pakiramdam niya ay maisusuka niya ang isang
mangkok ng lugaw na kakakain niya lamang. Halos magkapalit na ang mukha ng
dalawa sa kanyang harapan kaya minabuti niyang umalis na muna.
"Insan, bibili
lang ako ng yosi, ha," paalam niya pero hinila ng huli ang kanyang kamay.
"Bruha,
sino nagsabi sa'yo na pwede ka magyosi?" taas kilay na tanong nito.
Hinila niya
mula rito ang kanyang kamay at umismid. "Nauumay ako sa eksena niyong dalawa
kaya maghahanap ako ng panghimagas."
Pinaikutan siya ng mga mata ng pinsan. Tumawid siya sa kabilang kalye at agad na narating ang
pwesto saka mabilis na naglabas ng ilang barya. "Tatlong stick po ng malboro dark," sabi niya sa tindera.
Iniabot niya ang bayad at
madali rin naman na naibigay sa kanya ang sigarilyo. Ibinigay ng tindera
sa kanya ang lighter kaya mabilis niya na sinindihan ito. Nakakaisang buga pa
lamang siya nang biglang may pumitik ng yosi na nakaipit sa kanyang mga daliri.
Naimbyerna siya nang bongga.
"Siraulo ka, ah! Yosi ko--" nabilaukan siya ng usok
na nagmula sa sigarilyo nang mapagtantong si Sixto pala iyon. Panay ang ubo niya
kaya naman hinagod ng huli ang kanyang likod.
"Di ba sabi ko sa'yo h'wag kang
maninigarilyo." Sermon nito sa kanya.
Hindi naman talaga niya bisyo ang
manigarilyo. Ngunit nang araw na iyon ay feel niya lang talaga tumikim kahit
ilang stick lang. Nilingon niya si Sixto na madilim ang mukha. Nakasuot pa rin
ito ng police uniform at sa hinuha niya ay nagpa-patrolya ito sa lugar. Napakamot
siya sa kanyang tuktok bago nagsalita.
"Eto o, may dalawang stick pa ako. Gusto
mo sa'yo na?" alok niya.
Lalong nagdilim ang mukha ni Sixto dahilan para tablan
siya ng bahagyang takot. "Ang tigas ng ulo mo, Dria. Huwag mong sirain yung
buhay mo dahil sa bisyo." Masungit na sabi pa nito sa kanya.
"Nagyoyosi lang, masisira na agad
yung buhay? Grabe siya!" patawa-tawang sambit niya.
Hinawakan ni Sixto ang
kanyang kamay at inakay na siya palayo sa nagtitinda. Tumigil ito pasumandali at
hinarap siya. "Sa susunod na makita kitang naninigarilyo, papasuin ko 'yang bibig
mo gamit ang mga labi ko," pagbabanta nito.
Mabagal niyang ikinurap-kurap ang mga
mata at lakas loob na nagtanong. "Do you loves me?"
Isang matamis na ngiti lang
ang itinugon ni Sixto sa kanya.