Tatlong beses na nitong binanggit ang pangalan ng babaeng ni hindi niya naman kilala ni Thaddeus. Inabot ng matanda ang tasa ng tsaa at maingat na humigop mula doon. Siya naman ay napahilot sa pumipitik-pitik niyang sentido. Trenta minutos pa lang silang nag-uusap nito ay nakukunsumi na siya. Minsan ay parang sasabog na ang kanyang utak sa labis na pag-iisip kung paano ba mapapabuti ang kalagayan ng kanyang lolo. Lahat na yata ng paraan ay nagawa na niya para hindi ito makalabas ng kanilang bahay pero sa huli ay nakakatakas pa rin ito.
"Who is this Dria you were talking about, Lo?" mahinahon na tanong niya. Sa totoo lang ay naiintriga siya sa babaeng bukambibig ng kanyang lolo simula ng araw na mapadpad ito sa kahabaan ng Quiapo.
Kunot-noo itong bumaling sa kanya bago nagsalubong ang mga kilay. "Ano kamo? Papapalitan na natin ang pustiso ko? Maayos pa naman ito, apo." Sagot nito na nakahawak sa kanyang bibig.
Kung sa ibang pagkakataon ay matatawa ang binata pero hindi ngayon. Napailing at napahawak na lamang siya kanyang batok. Nang huling makausap niya ang doktor nito ay nalaman niyang malala na talaga ang pagka-ulyanin at ang pagkabingi nito. May hearing aide naman ang kanyang abuelo kaya lamang ay ayaw nitong gamitin. Sagabal lang daw iyon.
"Siguradong pagod na kayo. I'll take you to your room," ang tanging nasambit ni Thaddeus.
Ibinaba nito ang hawak na cellphone at bumaling sa kanya. "Are you having hard time taking care of me?" Ang mga gitla sa noo nito ay mas lalong nadepina. Hindi siya kaagad nakasagot sa tanong nito.
Binalaan na siya ng doktor na dapat daw ay magkaroon siya ng mahabang pasensya sa mga matatandang may cases tulad ng sa kanyang lolo. Likas na makukulit at sensitive daw ang nasa ganitong stage. Nasa dapit hapon na ang pahina ng buhay nito at ayaw niyang bigyan pa ito ng sama ng loob. Hangga't maaari ay iniiwasan niya iyon.
"It's not like that, Lo. Saan niyo po nakuha ang ideyang iyon?" mabilis na tanong niya. Nag-iwas siya ng tingin dahil baka mahalata nito na medyo guilty siya. Bigla na lamang itong umahon mula sa kinauupuan.
"Gusto ko na magpahinga, apo."
"Sige po."
Inalalayan niya sa pagpunta sa loob ng kwarto nito. Maingat na tinulungan niya itong makahiga. Lihim niyang nahiling na sana ay hindi ito magtampo sa kanya. Nang masigurong maayos na ang pwesto nito sa kama ay nagpaalam na siya ngunit bigla nitong hinawakan ang kanyang kamay. Tuluyan na siyang naupo sa gilid ng kama.
"Apo, kailan ka ba mag-aasawa?"
Hindi niya inaasahan iyon kaya naman nabigla talaga siya. Sa malamlam na ilaw na nagmumula sa lampshade ay kita niya ang pagod sa mukha nito. Humigpit ang kapit ng kanyang lolo sa palad niya. Napabuntong hininga na lang siya.
"You're on your thirties, Bonito, not getting any younger and almost ready to be a father," mabagal na sabi pa nito.
Napalunok siya dahil tila ba parang nanuyo ang kanyang lalamunan. Wala pa sa isip niya ang pagpa-pamilya. Nag-eenjoy pa siya sa kanyang buhay binata at wala nga siyang sineseryosong babae sa ngayon. Nasa stage siya ng paglalaro sa kanyang buhay at sa negosyong kanyang pinagkakaabalahan. Hindi rin niya alam kung may kakayahan pa ba siyang magbigay ng pagmamahal sa isang tao.
"Don't worry Lolo, I'll be getting there soon," napipilitan niyang sagot. Malalim na paghinga ang kasunod niyang pinakawalan. Hindi siya komportable na pinag-uusapan ang mga ganitong bagay.
Bumitaw ito sa pagkakahawak sa kanya at tumingin sa kisame. "Kung ako ang inaalala mo huwag ganoon, apo. Mahaba na ang naging paglalakbay ko sa buhay at alam kong hindi na rin naman ako magtatagal. Pero ikaw. . .mag-uumpisa pa lang sa tunay na kahulugan nito. You have to have your own life. Hindi pwedeng gugulin mo ang buong panahon sa pag-aasikaso sa akin. You deserve to have your own family. Find the love of your life and marry her," mahabang litanya nito bago nagbuntong-hininga.
"Bakit po ganyan ang sinasabi niyo, 'Lo? Hindi pa naman kayo kukunin ni Lord dahil mas malakas pa nga kayo sa kalabaw. Matinik pa nga rin kayo sa chicks dahil may mga callmate pa rin kayo at natatakasan niyo pa nga ang dalawang tagapagbantay niyo," biro niya kaya tumawa naman nang marahan ang kanyang abuelo.
Tinapik nito ang kanyang balikat. Ngumiti lamang siya. Mister Romantiko talaga ang kanyang abuelo. Noong bata pa siya ay nakita niya kung gaano nito kamahal ang kanyang lola na sa kasamaang palad ay nauna ng kinuha ni Lord. Itinutok nito muli ang mga mata sa kanya at inabangan naman niya ang kasunod pang sasabihin nito.
"Kapag dumating na ang babaeng nakatakda para sa'yo ay paniguradong hindi ka mapapakali at ikaw mismo ay magmamadali na pakasalan siya. Darating siya sa panahong hindi mo inaasahan at kapag nangyari iyon ay sana buhay pa ako. Gusto ko pang masilayan ang mga magiging apo ko sa'yo," nakangiti na sabi nito bago tuluyan ng ipinikit ang mga mata.
Pinagmasdan niya pa ito na taas baba na ang dibdib senyales na nakatulog na nga ito. Paglabas doon ay dumiretso sa mini bar sa kitchen area. Mabilis niyang inabot ang bote ng brandy na nasa eskaparate binuksan iyon at basta na lamang nilagok. Mapait siyang napangiti habang inaalala ang masakit na kahapon. Malungkot niyang tinitigan ang bote ng alak bago muling nilagok ang laman niyon. Nanulay sa lalamunan niya ang mapait at mainit na likido at agad siyang nilamon ng espiritu ng alak.
Nagising si Thaddeus dahil nararamdaman niya ang labis na pananakit ng kanyang pantog. Pasuray-suray siyang naglakad patungong banyo. Pabalya niyang binuksan ang pintuan at halos magkandadulas siya sa sahig. Nang matapos doon ay binaybay niya ang paakyat sa hagdan. Tila ba napakabigat ng kanyang mga paghakbang na malamang ay epekto ng alak. Sa loob ng kwarto ay ibinagsak niya ang pagod na katawan at muling natulog.
***
"Badeth, anong oras daw ba ang contest?" iritableng tanong ni Cream sa kaibigan. Hawak nito ang pangmalakasang costume ni Varda.
Ito ang nagmamaneho ng kakarag-karag na auto nito. Ipinamana pa iyon ng tatay nitong si Mang Kanor na matagal nang sumakabilang buhay. Iniliko nito ang sasakyan at binilisan ng bahagya ang paandar. Sa gabing ito kasi gaganapin ang grand finals ng Reynang Pangkalawan na taunang contest sa kabilang barangay. Ang kanilang pambatong si Varda ay ang representative ng kanilang sitio. Full support sila sa kaibigan dahil matagal na nitong pinapangarap na masungkit ang ultimate title ng nasabing contest.
"Ang sabi ni Dria alas-otso ang umpisa ng contest kaya lang dapat alas-sais nandun na tayo. Bakit ba naman palagi na lang trapik dito?" Asar na sagot naman nito bago kinabig pakanan ang sasakyan.
Kinuha ni Cream ang phone mula sa bulsa ng suot na denim shorts at sinagot ang tawag ni Dria."Bes, mga tatlong kembot na lang nandiyan na kami. Anong number ba si bakla?" Mabilis na tanong nito.
Napapalatak si Dria bago tiningnan ang relong pambisig. "Pang walo si Varda at kanina ko pa natapos ang pagmemake-up sa kanya. Nasaan na ba kayo? Sabihin mo kay Badeth paliparin na 'yung sasakyan niya," asik niya na hindi maitago ang pagkayamot.
Nasa loob sila ng tent na nasa backstage. Halos magsiksikan sila sa loob niyon dahil bente ang bilang ng lahat ng kasali. Mula sa singkwentang kalahok na nagmula pa sa ibat-ibang barangay ay bente na lamang ang natira. Mamaya nga ay maikling introduction at diretso Q and A na ang programa.
"Malapit na kami. Chill lang kayo," swabeng sagot naman ng kanyang kaibigan.
Napaismid na siya ng tuluyan. Sa totoo lang ay ayaw niya sa mga taong mababagal at palaging nahuhuli. Napaka importante ng bawat minuto para sa kanya. "Chill naman ako pero 'yung make-up ni bakla parang hindi na. Pagsainit naman kasi dito sa kinalulugaran namin. Basta konting bilis kasi siya na lang ang hindi pa nakakapagpalit ng damit," sabi niya bago nagpaalam na si Cream kaya ini-off na rin niya ang phone.
Muli niyang inayos ang buhok ni Varda na ginawa niyang big waves ang mga kulot. Pinasadahan niya ng tingin ang huli bago niyakap ng mahigpit. "Ang ganda mo talaga, insan! Galingan mo mamaya, ha. Ilampaso mo 'yung mga vaklushi na maasim."
"Don't worry, cousin, I'll do my best to win the crown," nakangiting turan nito at ngumiti ng pagkatamis tamis.
Kumalas siya mula sa pagkakayakap at nginitian din ito. "Ganyan nga, insan. Break the leg!" malakas na sabi niya habang pumapalakpak.
Nakita niya ang pagngiwi ni Varda bago naramdaman niya ang paghatak nito sa dulo ng kanyang buhok. "Gaga ka talaga gusto mo pa yata na ma-disqualified ako, e." Pinandilatan pa siya nito ng mata.
Tumawa lang naman siya at inakbayan ito at sabay silang humagalpak ng tawa. Isang oras pa ang lumipas bago dumating sina Cream at Badeth. Mabilisan ang ginawa nilang pagbibihis kay Varda na sakto naman ay tinatawag na ng event organizer. Nag-umpisang magpakilala ang mga kandidata at nang si Varda na ay halos mamaos silang dalawa mula sa kinauupuan dahil sa lakas ng kanilang pagtili.
"Good evening ladies and gentlemen. Nagmula sa kalawakan, bumaba sa lupa at naghasik ng hindi mapapantayang kagandahan. Ang tunay na ganda ay hindi sa kulay ng kutis nakikita kundi sa tunay na ganda ng nilalaman ng kanyang puso. Ako po si Evanca Putriska, 26 years of age at naniniwala sa kasabihang walang malakas na ulan at madilim na daan kapag jowa ang pupuntahan! Salamat po!"
Malakas na hiyawan ang response ng mga nasa crowd. Super proud si Dria sa kanyang pinsan at gayundin ang boypren nitong si Jonel na kararating lang mula lugawan. Halos pigil hininga silang magkakaibigan nang dumako na sa Q and A portion. Mula sa bente ay lima na lamang silang natira. Tiwala naman sila na masasagot ni Varda ang mga tanong dahil likas naman itong matalino. Ang sabi nga ng marami beauty and brains talaga ang kanyang pinsan. Tinawag na ito ng host at pinapili ng isang tanong mula sa mga nakarolyong papel.
"Moving on to our contestant number five. Ms. Evanca Putriska, here is your question. "Kung bibigyan ka ng chance na magpakinis ng mukha at lalo pang gumanda, anong paraan ang pipiliin mo? Katam o liha?" Tanong ng host na sinabayan pa ng tawa. Ang mga manood ay malakas din ang tawanan at may sumisipol pa nga. Iniabot ng isang host ang mikropono. Tumikhim muna si Varda.
"Thank you for that wonderful question, my answer would be katam. Naniniwala po ako na ang katam ay isang mabisang paraan para maiukit ang isang kagandahan. Katulad ng isang obra maestra na matagal pinagpaguran at pinakinis nang tuluyan para lumabas ang tunay na kagandahan. Salamat po," nakangiting sagot ni Varda.
Hiyawan muli ang audience. Tiningnan niya ang nobyo ng kanyang pinsan na sobrang proud habang pumapalakpak. Bigla siyang nakaramdam ng ng inggit. Hindi niya alam kung bakit na lamang siya biglang nakaramdam ng ganoon. Nang mga oras na iyon ay lihim niyang hiniling na sana ay magkaroon din siya ng isang taong magiging proud sa kanya. 'Yung ipararamdam na importante rin siya at magmamahal sa kanya kahit anuman ang kanyang pinanggalingan at katayuan sa buhay. Sa huli ay napabuntong-hininga na lamang siya bago narinig niya na lamang na 1st runner-up ang kanyang pinsan.
"Baba muna lahat para magtulak," utos ni Badeth.
Hindi mapigilan ni Dria na paikutin ang kanyang eyeballs. Kundangan ba naman na tumirik ang sasakyan ng huli sa kahabaan ng Lawton. Dumaan pa kasi sila sa isang tapsihan para sa isang simpleng selebrasyon sa pagkapanalo ni Varda. Isa-isa na silang bumaba ng sasakyan para umpisahan ang pagtutulak. Maigi na lamang at nakapagpalit na ng damit ang bakla dahil kung hindi ay matutusok sila ng bonggang heardress nito.
"Push na mga bessy!" nang-iinis na utas ni Badeth.
Sabay sabay nilang itinulak na ang sasakyan pero hindi pa rin nag-start iyon.
"Nakakaloka 'tong kotse mo, girl. Ipakilo mo na kasi ito!" reklamo ni Varda na nanghahaba ang nguso.
Mula sa loob ay muling sumigaw si Badeth na itulak muli ang kotse kaya naman sinunod na lamang nila. Sa pang-apat na subok ay saka pa lamang nag-ingay ang makina nito kaya naman mabilis na nagsisakay na sila ulit. Nakarating siya ng kanilang bahay pasado alas-dose. Bubuksan pa lamang niya ang pintuan ng kanilang bahay ay may nagsalita na sa kanyang likuran kaya naman napahiyaw siya. Gulat na gulat siya sa boses nito.
"Uwi pa ba ito ng matinong babae?!" Galit na tanong ng kanyang Tsong Domeng. Parang kulog ang dating ng boses nito para sa kanya.
Gumapang ang kaba sa kanyang dibdib. Nalanghap niya na amoy alak ito kaya lalo pa siyang natakot. Mabilis siyang pumasok sa kanilang bahay. Ang balak niya ay tumakbo na para dumiretso sa kanyang kwarto ngunit bigla na lamang siyang hinatak ng huli at isinalya sa malamig na pader. Ramdam niya ang sakit ng kanyang likod dahil ginamitan nito ng pwersa ang pagkakatulak sa kanya.
"Ikaw babae ka, galing ka sa lalaki mo ano?! Sabihin mo nga marunong ka na bang lumandi, hm? Kaya mo na bang paligayahin si Tsong?" mahalay na tanong nito.
Nilamon ng labis na takot si Dria. Nanigas siya mula sa kanyang kinatatayuan at naramdaman na lamang niya na tumulo na ang kanyang luha. Nasaan ba ang Ima? Tanong niya sa kawalan na hindi naman niya naisatinig. Nag-umpisang humawak sa kanyang balikat ang kanyang tsong kaya napaigtad siya.
"T-Tsong, m-maawa p-po kayo," humikhikbing pakiusap niya ngunit tumawa lang naman ang matandang manyakis.
"Gusto ko 'yung mga umiiyak ng ganyan. 'Yung mga tipong nagmamakaawa sa akin," bulong nito sabay ihip sa kanyang tainga.
Hindi na niya napigilan ang paghagulgol at halos hindi na nga siya makahinga dahil nagbabara na ang kanyang ilong gawa ng sipon. Nawalan na siya ng lakas para labanan ito dahil ultimo pagtulak sa huli ay hindi niya magawa. Itinaas nito ang kanyang mga kamay sa kanyang uluhan at nag-umpisang halikan ang kanyang leeg. Gusto na niyang mawala nang mga oras na iyon. Hindi niya lubos maisip na aabot sa ganito ang pang-aabuso ng kanyang tsong. Nanghihina na siya dala na rin ng labis na pagod at ng pinaghalong kaba at takot.
Nang akmang ibababa na nito ang zipper ng suot niyang pantalon ay may bigla na lamang may kumatok. Napamura pa ang matandang manyakis bago siya binitawan at inutusan na buksan ang pintuan. Mabilis niyang pinahid ang mga luha saka pinihit ang doorknob. Nagulat pa siya sa taong kanyang nakita dahil matagal na panahon niyang hindi nakasama ito.
"Surprise, bessy!" Nakangiting bati ng kaibigan sa kanya.
Gusto niyang tanungin ito kung bakit biglang napasugod ng ganoong oras kaya lang ay wala na siyang lakas pa. Niyakap na lamang niya ito at sa balikat ng kaibigan umiyak nang umiyak.
"Santi, buti na lang dumating ka," humihikbing sabi niya.
Mayamaya pa ay naramdaman niya ang pagganti nito ng yakap.